Ang Kuya Kong Emo (121 short story piece ko)

Posted by Janvic | Posted in | Posted on 2:14 AM

Emo ka ba? Emo ka eh. Wag ka nang magkaila, alam kong emo ka.

Kilala mo ba si kuya ko? Emo yun. Grabe, ang haba ng bangs niya, laging naka-skinny jeans, naka-itim. masisikip na t-shirt at kung ano-ano pa. Naiinggit nga ako eh. Gusto ko din ng mahabang bangs, kaso ayaw ako payagan ni mama na gayahin si kuya, pangit daw yung ganun.

Pero hindi naman, ang ganda nga eh. Astig.

Matalino yung kuya ko. Sikat yun sa school niya, andami niya kasing ginagawa, aral dito, aral dun. Tapos minsan ginagabi sa pag-uwi kasi aktibo sa maraming bagay, nagsusulat kasi yun si kuya ko sa dyaryo ng school niya. Ang galing. Pero eto ang kakaiba sa kuya ko -- lagi niyang sinasabing kulang pa yung mga ginagawa niya, na may gusto pa siyang patunayan. Di niya lang sinasabi kung ano 'yun.

Laging maingay sa kwarto ni kuya. Mahilig kasi 'yun sa screamo. Alam mo ba yung screamo? Basta, yun yung mga nag-go-growl. Medyo ayoko ng ganung mga kanta, ang ingay kasi talaga. Pero dahil idol ko ang kuya ko, ok na din yun, kesa naman umalis ako sa kwarto niya. Lagi pa naman niya 'kong pinapalaro ng Playstation 3. Minsan naiingit nga ako, kasi sabi nila, sobrang bait daw ng kuya ko. Minsan nagseselos ako. Pero pagtagal nawawala din, kasi nga, totoo namang mabait si kuya ko.

Pero hindi siya kasing-bait ng iniisip niyo ah. Syempre may kalokohan din yun. Alam niyo ba, minsan, pinanood niya ko ng porn sa kwarto niya. Grabe nagulat talaga ko 'dun, kasi nga wala akong alam sa mga ganun. Pero sabi niya educational naman daw yun, ewan ko lang kung pa'no naging educational yun. Ah basta, maloko din yun si kuya. Lahat naman siguro.

Pero pagdating kay ate, uhmmm. Di ko nalang pala sasabihin kung sino, ayaw ni mama na naririnig yung pangalan nung girlfriend ni kuya. basta yun nga, pagdating kay ate, di nagloloko yun si kuya. Mahal na mahal niya talaga yun. Isipin mo, gwapo si kuya, tulad ko. Habulin ng chicks yun, pero di ko siya nakitang tumingin sa iba. Ganun magmahal si kuya. Kakaiba.

Alam niyo minsan nagulat ako. Isang araw, di ako pinapansin ng kuya ko. Nagmamakaawa na akong buksan niya yung pinto ng kwarto niya, pero ayaw niya. Umalis nalang daw muna ko. Gusto kong umiyak nun, kasi akala ko may kasalanan ako sa kanya. Nagalit kaya siya nung hindi ako nag-top 1 sa klase, o dahil pinilit ko siyang sunduin ako minsan. Ganun nga kaya ako kakulit? Gusto ko lang naman siya makita ng mga kaklase ko, kasi nag-iisa lang siyang kuya ko. Idol pa.

Halos isang linggo na hindi niya ko pinansin. Wala siyang pinapansin sa bahay, lagi siyang gabi umuuwi. Sabi niya madami daw siyang ginagawa sa school. Pero alam ko naglalasing si kuya ko, tapos minsan nakita ko pa siyang naninigarilyo. Kilala ko si kuya ko, hindi naninigarilyo yun ng walang problema. Meron yun, at alam kong hindi ako 'yun.

Hindi na maingay yung kwarto ni kuya, di niya na ko pinapayagang maglaro ng PlayStation, laging siya nakaharap sa computer niya, laging nagsusulat. Alam ko, may problema si kuya ko. Pero ayaw niyang sabihin sa'kin. Sana sinabi niya.

Isang araw naisip kong pilitin siya, nagpaiwan ako nung umalis sila mama. Kakausapin ko na siya nung bigla siyang pumunta sa kwarto ko. Nagulat ako, kala ko bumalik na si kuya. Hinayak ako papunta sa kwarto niya. Nakakatuwa kasi nung ni-lock niya yung pinto, naisip ko manonood ulit kami ng porn. Nakakatawa talaga si kuya ko, pabago-bago ng isip.

Kinukuha niya yung mga cd niya sa aparador niya, naupo ako sa kama. Tinanong ko kung ok na ba siya. Sabi niya, ok na daw, nag-sorry pa nga eh, hindi niya daw kasi ako nakakausap nitong mga nakaraang araw. Sabi ko, basta wag niya nang uulitin yun. Sorry lang yung sinagot niya. Tapos biglang tumabi sa'kin.

Sabi niya, mahal niya daw ako, si mama, si papa. Mahal na mahal niya daw kami. Sobra. Nagsorry siya. Tapos umiyak sa harap ko. Noon ko lang nakita umiiyak yung kuya ko. Naiyak din ako. Sabi ko wag na siyang umiyak, pero hindi siya tumahan eh. Sabi niya, mahal na mahal niya daw ako. Tapos bigla niyang nilabas yung blade. Hiniwa-hiwa niya yung kamay niya. Umiiyak siya, sabi niya, mahal na mahal niya daw kami. Hiniwa-hiwa niya yung kamay niya. Inakap niya ko, mahal niya daw ako. Natatakot ako kasi puno na ko ng dugo ng kuya ko. Sabi niya, sana daw di niya minahal ng ganun si ate. Nasaktan lang daw siya.

Sabi niya wag daw ako magalit kay ate kasi lalo lang daw siyang malulungkot. Tapos sabi niya Mahal kita. Tapos wala na. Wala na si kuya ko. Wala na.

Comments (2)

Hi. Ako si Benson Logronio. Researcher ng "Maalaala Mo Kaya" ng ABS-CBN. Non-fiction ba 'tong 121 short story piece mo? Mukhang maganda para ikwento sa TV sa pamamagitan ng MMK. Kung interesado ka, pwede mo akong kontakin dito: zonh_hoo@yahoo.com. Hihintayin ko ang e-mail mo. Salamat!

PS. 'Yung 121 ba na 'yan ay Speech 121 o Intro to Oral Interpretation? KAsi may kurso din ako niyan noong college sa UP at sobra kong nagustuhan. Maganda ang piyesa. Sana okay ka na...

Hi. Ako si Benson Logronio. Researcher ng "Maalaala Mo Kaya" ng ABS-CBN. Non-fiction ba 'tong 121 short story piece mo? Mukhang maganda para ikwento sa TV sa pamamagitan ng MMK. Kung interesado ka, pwede mo akong kontakin dito: zonh_hoo@yahoo.com. Hihintayin ko ang e-mail mo. Salamat!

PS. 'Yung 121 ba na 'yan ay Speech 121 o Intro to Oral Interpretation? KAsi may kurso din ako niyan noong college sa UP at sobra kong nagustuhan. Maganda ang piyesa. Sana okay ka na...

Post a Comment

Followers